Ito ang ikalawa (2) ng Serye ng Halalan 2022/ Serye ng Eleksiyon 2022 – mga artikulong inilimbag sa White Butterfly bilang paghahanda sa halalan/eleksiyon sa Mayo 2022.
TERESITA TANSECO-CRUZ
May mahalagang pananawagan sa atin ngayon na ibigay ang ating buong pusong pagsisikap at kakayanan at dasal sa padating na halalan sa Mayo, 2022.
Bago natin isispin kung SINO, sa palagay ko ay kailangan muna nating tumutok sa anong uri ba ng tao ang kailangan nating magtagumpay bilang Pinuno ng ating bayan?
Dito sa White Butterfly, may mga kategorya na parang naghihintay lang na hanguin natin sa kanila ang mga katangian ng isang Pinuno na magdadala sa Pilipinas ng maayos na kabukasan.
PEOPLE WHO INSPIRE: ANG MGA TAONG NAGBIBIGAY NG INSPIRASYON
Isang tao na:
-subok ang integridad at katapatan
-buo ang loob sa tunay na katapangan
-may malalim na empatiya at samakatuwid ay pakikiisang loob sa kapwa
-may kabaitan
-iginagalang ang likas na halaga ng bawa’t tao, na galing sa Panginoon
PANANAGUTAN
Isang tao na
-lumilikha, naghihikayat at ipinalalaganap ang mga programa o mga pagsisikap na nagdadala ng pagkalinga sa kapwa
-itinuturing na sagrado ang pananagutan ng isang mapagkakatiwalaang lipunan na itaguyod ang katarungan, ang pagiging pantay-pantay ng lahat at dignidad ng bawat mamamayan.
DISCOVER: TUKLASIN
Ang isang tao na
– mapagkumbabang tagadala ng biyaya, tagapaghatid ng kabutihan, isang halimbawa na dapat gayahin
– lumulusong kung saan ang mga tao para magsilbi, dala ang maayos at matinong pagiisip, mapagbigay na puso, at masisipag na mga paa
Hindi mahirap isipin na ang lahat ng katangian sa lahat ng kategorya ay nasa isang tao, dahil magkakaugnay ang mga katangiang ito.
Kaya’t sa parating na halalan, magdasal tayo ng matimtiman sa Panginoon na bigyan tayo ng isang kandidato na taglay ang mga katangiang ito, na maglalaan ng kakayanan at buong sarili sa pagsisilbi sa Panginoon at sa bayan. At tugunan natin siya sa pagbubuhos ng ating lubos na pagsuporta upang ang ating Pilipinas ay bumangon muli sa isang maliwanag na kinabukasan.
PANALANGIN PARA SA HALALANG PAMPANGULO NG PILIPINAS SA 2022
Panginoong Hesus, nakikiusap po kami sa Inyo
nawa’y bigyan po Ninyo kami ng pagkakataong
makabangon sa aming lungkot at pagdurusa
sa panahon ng krisis na dala ng pandemya.
Pagkalooban po Ninyo kami sa darating na halalan, ng isang pinunong mag-aalaga—hindi ng kanyang sarili—kundi ng mga dukha at nangangailangan; isang pinunong may takot sa Diyos, at di sasailalim sa mga pulitikong sakim, magnanakaw, at hipokrito/mapanlinlang.
Iligtas po Ninyo ang aming bayang uhaw sa Iyong pagmamahal at katarungan.
Hiling namin ito sa pamamagitan ng tulong ni Maria, Inyong ina, at amin din.
Amen.