Buffalo- Ang Responsableng Pamumuno

0
920

Ito ang ikatlo (3) ng Serye ng Halalan 2022/ Serye ng Eleksiyon 2022 – mga artikulong inilimbag sa White Butterfly bilang paghahanda sa halalan/eleksiyon sa Mayo 2022.

Ang buod na ito ay nanggaling sa kabanatang, Buffalo – Responsible Leadership, ng aklat ni Sr. Janice McLaughlin, OSTRICHES, DUNG BEETLES, AND OTHER SPIRITUAL MASTERS, lathala ng Orbis Books, New York.

PAGSUSURI

Si Sr. Janice ay isang madreng Amerikana ng Maryknoll Sisters. Siya ay nanirahan ng matagal sa Africa at tumulong siya bilang isang matapang na aktibista sa matinding paglaban sa paglabag sa karapatang pantao (human rights), at nakatayo siya sa tabi ng mga biktima ng kawalan ng katarungan, at ng pang-aapi.

Si Sr. Janice ay matalas magmasid sa mga gawi o katangian ng iba- ibang hayop sa Afrika at naihambing niya ito sa mga gawi o katangian ng mga tao.

Ang African buffalo ay katumbas ng ating kalabaw. Ito ay naninirahan sa isang pook kung saan maaaring umabot ng isang libo ang sama-samang mga kalabaw, binubuo ng iba-ibang ankgan.

Bawat angkan ay may isang tagahanap ng dako na may tubig o pagkain at marunong umiwas sa panganib, at doon niya dadalhin ang kaniyang angkan. Kung wala nitong tagahanap o “pathfinder”, ang kalabaw ay mamamatay sa gutom.

Iniugnay ni Sr. Janice ang pathfinder sa isang “Responsableng Pamumuno.”

Ayon kay Sr. Janice, si Julius Nyerere, ang unang naging Presidente ng Tanzania, ay isang responsableng pinuno at pathfinder. Dahil sa kaniyang pamumuno, ang Tanzania ngayon ay isang bayan na nagkakaisa at mapayapa, at inspirasiyon sa ibang bansa. Nung tapos na ang kaniyang pagka-presidente, masayang bumalik si Nyerere sa simpleng buhay niya sa bukid ; wala siyang ano mang pagnanasa sa kayamanan o kapapangyarihan.

Si Hesus mismo ang nagturo sa atin na ang pinuno ang siyang nagsisilbi sa kaniyang pinamumunuan. Sa paghuhugas niya ng mga paa ng kaniyang apostoles, ipinakita niya na tayo ay kailangang magsilbi din sa isa’t isa.

Sa darating na halalan, sana ay piliin natin ang” pathfinder ” na magdadala sa ating bayan sa “ligtas at luntiang pastulan.”

Ang isang bayan na walang responsableng pinuno ay parang ulila na walang taga-aruga. Hindi ito magkakaroon ng direksiyon, at sa katagalan ay manghihina dahil walang makain, at kung minsan, kakapit sa patalim upang mabuhay o malamang ay susunod na lang sa kahit kanino at maniniwala sa kahit anong mga pangako, o kaya’y ibebenta ang kaniyang dignidad at kaluluwa, madaplisan lang ng kaunting lunas sa kahirapan.

Isa-isahin natin ang mga kandidato sa pagka presidente ng Pilipinas sa darating na eleksiyon. Alamin natin ng husto kung sino ang magaling na mangako tapos iiwan naman ang bayang nakapako sa utang at paghihikahos. Bigyan natin ng masusing pansin kung sino ang may katangian ng tunay na pinuno, na mapagkakatiwalaan dahil sa subok na niyang tuloy-tuloy na pagsisilbi sa taong bayan.

Isipin nating mabuti kung sino ang “pathfinder” na napatibayan na din ang katapatan, pananampalataya sa Diyos, at pananalig na ang isang tunay na pinuno ay hindi pinagsasamantalahan ang kapwa Pilipino kundi pinagsisilbihan ito ng lubos na puso at pagiisip.

Sa pagpili natin ng tunay na pinuno, pinangangalagaan natin ang ating sarili at ang isa’t isa. Pinanghahawakan din nating sagrado ang responsibilidad natin sa mga henerasyong padating na magmamana ng ating bayang minamahal. (Teresita Tanseco-Cruz)

SR. JANICE MACLAUGHLIN

Buod ni TERESITA TANSECO-CRUZ sa Tagalog.

Ang African buffalo (katumbas ng ating kalabaw)ay kilala sa pagiging mapanganib, walang takot, at makapangyarihan. Papatayin niya ang taong magkamaling tumawid sa landas niya.

Ngunit ang African buffalo ay maayos na tumitira kasama ng mga kapwa buffalo, hanggang sa 1000 kalaking grupo, buo ng kaniya-kaniyang angkan.

Ang bawat angkan ay may pinuno, na nagdadala sa kaniyang angkan papunta sa tubig at damo. Siya ang “pathfinder” o tagahanap ng landas,

na magaling umiwas sa panganib at humanap ng damo na makakain kahit sa panahon ng tagtuyot. Kung wala ang ganitong pinuno o “pathfinder”, magkakamatay ang mga buffalo sa paghahanap ng pagkain.

Sa kaniyang trabaho sa Africa, natukoy ni Sr. Janice sa mga nakilala niya na ang dakilang pinuno o gabay, kahit iba-iba base sa karanasan ng bawat isa, ay may mga parehong katangian:

-inuuna ang kapakanan ng iba bago ang sa kanila

– marunong makinig

– matapang

– may positibong paningin sa buhay

Ang kabaliktaran ay yung mga may negatibong dinala sa kanilang buhay: madamot, malupit, walang pakailam.

Si Julius Nyerere, ang unang pinuno ng bayan ng Tanzania sa Africa ay isang tunay na pinuno at “pathfinder”. Hindi siya nasabik sa salapi at kapangyarihan. Siya ay mapagkumbaba, masaya at marunong umamamin ng pagkakamali. Nung nagsalita siya sa kumbento ng mga madre ng Maryknoll sa America, nanawagan si Nyerere na magpunta ang mga madre sa Tanzania hindi para maging “boss” ng mga taga Africa kundi bilang “mga kasamahan.”

Kay Nyerere, “sa pagbabahagi lamang ng trabaho, paghihirap, kaalaman, pag-uusig at pagunlad makakatulong ang Simbahan sa aming paglago.” Maging bahagi ng isa’t isa. “Dahil kung ang Simbahan ay hindi kasali sa aming kahirapan, kung hindi makikibaka kasama namin para sa hustisiya, hindi siya bahagi namin.”

Hinikayat ni Nyerere ang mga madre na tumira at magtrabaho sa kanilang mga “ujamaa villages”sa Tanzania. Sabi ni Nyerere: “Ang mga mahihirap at inaapi ay hindi dapat humingi sa inyo ng limos kundi ng suporta laban sa kawalan ng hustisya.”

Dahil sa pamumuno ni Nyerere, ang Tanzania ay naging huwaran para sa isang bayan na nagkakaisa at mapayapa. Bawat henerasyon, bawat bayan ay nangangailangan ng “pathfinder” gaya ni Nyerere para magturo ng landas na ikabubuti ng lahat.

Ang bawat isa sa atin ay tinatawagan na maging taong may integridad,na mabuhay patungo sa ating mithiin, magbigay ng reponsable at mapagkakatiwalaang pamumuno sa mga susunod sa atin.

BANAL NA KASULATAN

Nang mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, muli niyang isinuot ang kanyang balabal at nagbalik sa hapag. Siya’y nangusap sa kanila, “Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga iyon. Dahil akong Panginoon at Guro ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong gawin ito sa isa’t isa. Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan. (Juan 13:12-15)

Tinanong sila ni Jesus nang patalinhaga, “Maaari kayang mag-akay ang isang bulag ng kapwa niya bulag? Pareho silang mahuhulog sa hukay kapag ginawa nila ang ganoon!
Walang alagad na nakakahigit sa kanyang guro, ngunit matapos maturuang lubos, ang alagad ay makakatulad ng kanyang guro. (Lucas 6: 39-40)

 

 

 

 

 

 

PANALANGIN PARA SA HALALANG PAMPANGULO NG PILIPINAS SA 2022

Panginoong Hesus, nakikiusap po kami sa Inyo
nawa’y bigyan po Ninyo kami ng pagkakataong
makabangon sa aming lungkot at pagdurusa
sa panahon ng krisis na dala ng pandemya.

Pagkalooban po Ninyo kami sa darating na halalan,ng isang pinunong mag-aalaga—hindi ng kanyang sarili—kundi ng mga dukha at nangangailangan; isang pinunong may takot sa Diyos, at di sasailalim sa mga pulitikong sakim, magnanakaw, at hipokrito/mapanlinlang.

Iligtas po Ninyo ang aming bayang uhaw sa Iyong pagmamahal at katarungan.
Hiling namin ito sa pamamagitan ng tulong ni Maria, Inyong ina at amin din.
Amen.