Kung Bakit Gusto Ko si Warren Buffet

0
349

Ito ang ikaanim (6) ng Serye ng Halalan 2022/ Serye ng Eleksiyon 2022 – mga artikulong inilimbag sa White Butterfly bilang paghahanda sa halalan/eleksiyon sa Mayo 2022.

Isinalin sa Tagalog ni TERESITA TANSECO-CRUZ 

CONRAD F. VIRINA

Si Warren Buffet, isa sa pinakamayamang tao sa mundo, ay nagpayo minsan sa kapwa, na hanapin ang tatlong(3) bagay sa isang tao: katalinuhan, enerhiya at integridad.

Ang magkaroon ng natural na KATALINUHAN o katalinuhan na bunga ng pagaaral ay napaka importante. Lalong-lalo na sa isang pinuno. Ang paghanap ng solusyon sa marami at iba-ibang klaseng problema ay nangangailangan ng matalinong pagiisip. Hindi puwedeng pasiklab lamang.

Ang ENERHIYA ay kailangan din. Dapat mayroong tibay na magtrabaho ng maraming oras at isakripisyo ang tulog kung kailangan, para magawa ang kailangang gawin. Kung ang isang tao ay madaling mapagod o hindi masabayan ang mga kailangang gawin, nagkakapatong- patong ang mga trabaho. Kung minsan – at mas masahol ito – ipapasa pa sa isang katulong na walang masyadong kakayanan at tamad din.

Ang pinaka importante sa tatlong(3) katangian ay INTEGRIDAD o KATAPATAN.

Kung ang isang tao ay may integridad, siya ay hindi madaling matukso ng kasikatan o salapi. Ang isang alok ng makatas na posisyon o milyon-milyong salapi kapalit ng ” isa lang maliit na maling gawa “ay hindi papasa sa isang taong matapat.

Kung makita mong yung tao ay walang integridad, tanggihan agad. Walang taas na katalinuhan o dami ng enerhiya ang kailan man maaaring pumalit sa katapatan o integridad.

“Hanapin ang tatlong (3) bagay sa isang tao – katalinuhan, enerhiya at integridad.  Kung wala sila ng huli, huwag ng magabala sa una at pangalawa.”

KATALINUHAN. ENERHIYA. INTEGRIDAD O KATAPATAN

Mga katangian ng mga taong epektibo at maaasahan. Ganun din ang mga katangian na kailangan sa mga namumuno – ang magkaroon ng tamang pag-iisip, diwa at puso.

Sana ay parati nating makita ang tatlong katangian na iyan sa ating mga namumuno. Lalong-lalo na sa gobiyerno.

Kapag nangyari, ‘yon, siguro mas malimit ngumiti sa atin ang Panginoon. At tayo ay ngingiti din ng malimit.

May sinabi si Warren Buffet na hindi ko makakalimutan. Sabi niya ay gusto niyang patunayan sa mundo na puwede ka namang yumaman kahit na parati kang gumagawa ng kabutihan.

Gusto ko si Warren Buffet.

PANALANGIN PARA SA HALALANG PAMPANGULO NG PILIPINAS SA 2022

Panginoong Hesus, nakikiusap po kami sa Inyo nawa’y bigyan po Ninyo kami ng pagkakataong makabangon sa aming lungkot at pagdurusa sa panahon ng krisis na dala ng pandemya.

Pagkalooban po Ninyo kami sa darating na halalan, ng isang pinunong mag-aalaga—hindi ng kanyang sarili—kundi ng mga dukha at nangangailangan; isang pinunong may takot sa Diyos, at di sasailalim sa mga pulitikong sakim, magnanakaw, at hipokrito/mapanlinlang.

Iligtas po Ninyo ang aming bayang uhaw sa Iyong pagmamahal at katarungan.
Hiling namin ito sa pamamagitan ng tulong ni Maria, Inyong ina at amin din.
Amen.