Ang Maliit Ay Hindi Hinahamak

0
673

                           MGA BUTO NG MUSTASA – MATEO 13: 13-21

Ito ang ikawalo (8) ng Serye ng Halalan 2022/ Serye ng Eleksiyon 2022 – mga artikulong inilimbag sa White Butterfly bilang paghahanda sa halalan/eleksiyon sa Mayo 2022.

Ang pagsusuri na ito ay mula sa Experiencing God, aklat nina Henry T Blackaby at Richard Blackaby.

TERESITA TANSECO-CRUZ

Gaya ng sabi ni Henry at Richard Blackaby dito, ang Panginoon ay kayang gumamit ng kapangyarihan niya kung kailangan, ngunit pinili niyang gamitin ang mga hindi pansinin gaya ng sanggol o batang musmos, o kaya’y dalawang isda at limang tinapay o kaya’y ang napakaliit na buto ng mustasa na abot-abot ang paglaki, o ang labing dalawang apostoles sa halip ng mas malaking tropa. Ipinakita niya na sa kaniyang mga kamay, ang mga maliit o pangkaraniwan ay may kapangyarihang isatupad ang gusto niyang gawin.

 

                     SI JESUS NA SANGGOL – LUCAS 2: 1-14

Ngayon, patungo sa ating halalan, mukhang ang mas malaki ay nagpapanggap na mas mabuti. Ang palabas na ma-bongga at pang-gulat : maingay, ma-drama, pangsamantalang aliw sa mga mata o tainga. Mga magarbong pananalita na ang dala ay kasinungalingan.

Ang panglalait sa internet ng kung sino mang pinagiinitan, at pag- kontrol ng isipan ng marami. Mas paspasan, mas magaling. Para itong mga paputok na mabilis sumunggab ng pansin. Pagkatapos ay ano? Makakabuti ba ito sa ating buhay? Makapagbibigay-lakas ba sa ating bayan? Sa anong kakayanan?

Sa kabilang dako ay ang tahimik ngunit masigasig na pagtulong sa kapwa, pagpapaunlad ng mga komunidad, and pagtanggap ng tiwala ng mga tao, araw araw. Wala itong dalang pasiklab kundi ang pusong may pananampalataya, katapatan, integridad, at walang tigil na paggawa. PAISA-ISANG MALILIIT NA HAKBANG.

Baka hindi ito mapansin ng mahilig sa mga paputok. Ngunit para sa mga nagsasamasama na mga gising ang isip o nakaranas ng pagbabgo sa buhay o sa kabuhayan dahil sa pagsisilbi ng isang tao, ang maliliit na mga hakbang na ito ay may taglay na kapangyarihan. Ito ang magpapabangon sa atin, para angkinin muli ang ating bayan magmula sa kamay ng mga mapag-sariling manghihimasok.

Piliin natin ang isang taong matagal ng nagsisilbi sa bayan at patuloy na magsisilbi bilang Pinuno na kailangang-kailangan natin, para sa isang Pilipinas na nararapat sa atin.

 

                      PUNO NG MUSTASA – MATEO 13: 31-32

Tumulong tayo kung saan tayo kailangan, at hingin natin sa Panginoon na gabayan tayo patungo sa matagumpay na pag martsa sa kinabukasan , na nanggaling sa mga simple at paisa-isang maliliit na hakbang ng isang puso na nakatutok sa kapakanan ng ating mahal na bayan.

PANALANGIN PARA SA HALALANG PAMPANGULO NG PILIPINAS SA 2022

Panginoong Hesus, nakikiusap po kami sa Inyo
nawa’y bigyan po Ninyo kami ng pagkakataong
makabangon sa aming lungkot at pagdurusa
sa panahon ng krisis na dala ng pandemya.

Pagkalooban po Ninyo kami sa darating na halalan,
ng isang pinunong mag-aalaga—hindi ng kanyang sarili—kundi ng mga dukha at nangangailangan;
isang pinunong may takot sa Diyos, at di sasailalim
sa mga pulitikong sakim, magnanakaw, at hipokrito/mapanlinlang.

Iligtas po Ninyo ang aming bayang uhaw sa Iyong pagmamahal at katarungan.
Hiling namin ito sa pamamagitan ng tulong ni Maria, Inyong ina at amin din.
Amen.