Ito ang kaunaunahan (1) ng Serye ng Halalan 2022/ Serye ng Eleksiyon 2022 – mga artikulong inilimbag sa White Butterfly bilang paghahanda sa halalan/eleksiyon sa Mayo 2022.
NORBERTO C. NAZARENO
Isinalin sa Tagalog nila LYN SORIANO ALMARIO at TERESITA TANSECO-CRUZ.
Maigsi ang ebanghelyo ngayong linggo subalit napakaraming aral na maidudulot sa atin sa gitna ng Covid 19 pandemya, ang mga negosiyong nagsisara at mga taong nawalan ng trabaho, ang malungkot na lagay ng pamahalaan, at ang pagaalala o pagkabalisa ng karamihan sa darating ng eleksiyon.
Noong binasa ko muli ang ebanghelyo ni San Marcos 4:35-41, ang unang tumatak sa isipan ko ay si Hesus mismo ang nagsabi na: “Tumawid tayo sa ibayo.” Siguro nga ang sarap pumalaot sa dagat sa gabi dahil mas malamig ang simoy ng hangin. Pero teka, siya si Hesus, anak ng Diyos. Hind ba dapat alam niya na may bagyong parating? Bakit hindi siya pumili nang mas magandang panahon? At karamihan nung mga kasama niyang mga mangingisda – hindi ba sanay silang makaamoy ng padating na bagyo? Ngunit ayon, sumunod basta sila sa kaniya.
Baka ito ang paraan ni Hesus para maintindihan natin na sa ating buhay ay hindi maiiwasan ang mga bagyo. Baka nga ang iba ay kasingtindi na mga naranasan natin, tulad ng Ondoy at Yolanda. Para sa kanila,” Dumating ang malakas na unos. Hinampas ng malalaking alon ang Bangka, anupat halos mapuno ito ng tubig.” Ano pa kaya ang hihigit sa takot ng isang itinapon sa gitna ng madilim at maalon ng dagat? Baka mauna ka pang mamatay sa nerbiyos kaysa sa lunod! At kahit anong ngatog mo, naroon siya, ang Panginoon, ang awtoridad, ang gumagawa ng himala, ang nagyayang umibayo kayo, nasa hulihan ng bangka, at ang sarap ng tulog sa unan! Baka nananaginip pa !
Sasabihin ng asawa kong si Evelyn: “Ano ba iyan?” Nagkakagulo na at pinapasok na ng tubig ang bangka. Kailangan na niyang malaman. Hindi na nila mapigilan ang sariling gisingin si Hesus at humingi ng tulong, “Guro, di ba ninyo nararandaman na lulubog na tayo ?!”
Parang nasa sine ang nakikita kong ginawa ni Hesus. Kalmadong siyang bumangon at nag-inat ng katawan. Iniutos sa hangin, “Tigil!” At sinabi sa dagat, “Tumahimik ka! Tumigil ang hangin at tumahimik ang dagat. Pagkatapos sinabi niya sa mga alagad,“Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” Maari niyang sinabi, “Ano ba kayo? Hindi ba magkakasama tayo sa isang bangka? Kapag lumubog ito, samasama tayo.
Pahingi ng tawad, Panginoong Hesus, sa aming kawalan ng pananampalataya. Magkasama nga pala tayo. Dapat sapat na ito para sa amin. Alam naming ikaw ang nagpapagalaw ng hangin at dagat; ikaw ang may kapangyarihan sa pandemya, higit sa kahit na sinong pinuno, kasama na ang demonyo. Dapat ang tanong natin, katulad ng kaniyang mga disipulo ay “Sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangin at ng dagat?”
Mas mabuti ang lagay natin kung ikukumpara sa mga disipulo dahil alam natin na ang kapangyarihan ni Hesus, na ating sinusundan at kasama natin sa kasalukuyang bagyo ay kayang talunin ang kamatayan.
Purihin ang Diyos!
PANALANGIN PARA SA HALALANG PAMPANGULO NG PILIPINAS SA 2022
Panginoong Hesus, nakikiusap po kami sa Inyo
nawa’y bigyan po Ninyo kami ng pagkakataong
makabangon sa aming lungkot at pagdurusa
sa panahon ng krisis na dala ng pandemya.
Pagkalooban po Ninyo kami sa darating na halalan,
ng isang pinunong mag-aalaga—hindi ng kanyang sarili—kundi ng mga dukha at nangangailangan; isang pinunong may takot sa Diyos, at di sasailalim sa mga pulitikong sakim, magnanakaw, at hipokrito/mapanlinlang.
Iligtas po Ninyo ang aming bayang uhaw sa Iyong pagmamahal at katarungan.
Hiling namin ito sa pamamagitan ng tulong ni Maria, Inyong ina, at amin din.
Amen.
If the priests’ homilies were only as good as this!
Comments are closed.