Ito ang ikalima (5) ng Serye ng Halalan 2022/ Serye ng Eleksiyon 2022 – mga artikulong inilimbag sa White Butterfly bilang paghahanda sa halalan/eleksiyon sa Mayo 2022.
Ang buod na ito ay nanggaling sa kabanatang, OWL – COURAGE, ng aklat ni Sr. Janice McLaughlin, OSTRICHES, DUNG BEETLES, AND OTHER SPIRITUAL MASTERS, lathala ng Orbis Books, New York.
SR. JANICE MACLAUGHLIN
Isinalin sa Tagalog ni TERESITA TANSECO-CRUZ
Ang kuwago ay ibong panggabi at ibong mandaragit. Lumilipad na tahimik sa dilim, may mabagsik na paningin at pandinig sa gabi at kayang ikutin ang ulo hanggang likod. Dahil dito, madali niyang punteryahin ang kahit anong gusto niyang kainin, gaya ng mga ibon, ahas, butiki, palaka,at iba pa. Ang sigaw niya sa gabi ay nakakatakot, ngunit ang pagdating niya ay tahimik.
Sa Africa, ang tingin ng iba ay may kinalaman ang kuwago sa pangkukulam, kaya’t ito ay iniiwasan at kinatatakutan. Ang tingin ng marami sa kuwago ay tanda ito ng malas.
Bagama’t si Sr. Janice ay hindi naniniwala sa mga pamahiin na wala namang base sa agham (science), narandaman niya ang sarili niyang takot nung nagumpisa siyang magtrabaho sa Africa. Dito niya nakaharap ng walang atrasan ang mga karanasan ng iba’t ibang tao sa digmaan , panggagahasa, malupit na pagpapahirap, mga biglang pagkawala, at iba pang uri ng karahasan. Siguro hindi kataka-taka na nagumpisa na rin siyang kapitan ng nerbiyos at pangamba sa gabi, sakaling makarinig siya ng tuktok, senyas ng pagdakip, malupit na pagpapahirap o kamatayan.
May katrabaho at kaibigan si Sr. Janice na si Lovemore Madhuku, biktima ng maraming karahasan at sumulpot na sa bingit ng kamatayan. Pinuno siya ng kilusang ipinaglalaban ang pagbabago ng konstitusyon sa Rhodesia( Zimbabwe na ngayon). Ang sabi ni Madhuku ay tumawid siya mula sa takot hanggang sa lakas, sa pamamagitan ng kaniyang paglaban. Dagdag niya : Gawin mo basta ang kailangan, at harapin mo ang sitwasyon pag dating ng oras. Maski 99 na tao ang kalaban ko, tinitiyak ng Panginoon sa akin na may isang taong dadating para sabihin na tama ako.
Tumataginting ang mga salita ni Madhuku, nung si Sr. Janice ay nabilanggo dahil sa pagtatanggol niya ng tuntunin ng karamihan (majority rule) at paglalantad ng mga krimen sa digmaan sa ilalim ng kasalukuyang pamahalaan. Nung papunta si Sr. Janice sa silid hukuman, may kapwa bilanggo siya ng akmang magtatali ng sapatos pero biglang ibinulong sa kaniya: ” Hindi lang ang Simbahan ang sumusuporta sa iyo; buong bayan sumusuporta sa iyo.” Ito ay nagbigay lakas-loob kay Sr. Janice.Nung nakatayo na si Sr. Janice sa punong-puno na silid hukuman, naalala niya ang salita sa ebanghalyo na kung sino mang tao ang maaresto at madala sa pglilitis dahil sa Panginoon, huwag magalala kung ano ang sasabihin pag dating ng oras, dahil ang Espiritu ng Diyos sa loob ng taong ‘yon ang magsasalita.
Walang takot na nagpatotoo si Sr. Janice na ang sistemang umiiral ay walang hustisya at sinusuporta niya ang prinsipyo ng kalayaan. Tinawag siya ng hukom na “komunista”at “terorista.” Itinapon uli siya sa bilanggo kung saan siya ay sinalubong ng palakpakan ng mga bantay, na sinabing nanduon sila sa trabahong ‘yon para lang mapakain ang kanilang pamilya at sila rin ay sumusuporta sa tuntunin ng karamihan.
Nung si Sr. Janice ay pinaalis sa Rhodesia at ibinalik sa bayan niyang America, marami siyang naipuslit na mga sulat na nagsasaysay ng mga karahasan na pinagdadaanan ng mga kababaihan sa bilangguan, dahil sa paratang sa kanilang pumapanig sila sa mg “terorista.” Ipinakiusap nila na paabutin ni Sr. Janice ang mga sulat nila sa Amnesty International ( isang internasyonal na organisasyon, hindi nakakabit sa ano mang gobyerno, na nakatuon sa karapatang pantao). Tinupad ito ni Sr. Janice at nailathala sa malawak na madla ang mga sulat.
Huwag nating kalimutan ang mga salita ni Sr. Janice:
Sana maipaalala sa atin ng kuwago na ang mga kinatatakutan natin ay maaaring walang base, at ang pinakamasamang bangungot natin ay puwedeng lumabas na matalik nating kaibigan. Kung ano yung hindi natin maintindihan at kinatatakutan ay maaaring magturo sa atin na tayo ay higit malakas kaysa sa ating inaakala. Kung makipag-kaisa tayo sa iba para sa isang layunin o prinsipyo, puwede tayong humugot ng lakas sa isa’t isa. Ayon sa turo ni Lovemeore Madhuku : “Hindi tayo magtatagumpay sa isang araw. May mga pag-urong. Ngunit gusto nating bumuo ng isang pundasyon ng mga taong kumbinsido, gagawa ng mulat na desisyon na tumaya at talunin ang takot.”
BANAL NA KASULATAN
Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi naman nakakapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo ay ang Diyos na may kakayahang pumuksa ng katawan at kaluluwa sa impiyerno. Hindi ba’t ipinagbibili sa halaga ng isang salaping tanso ang dalawang maya? Gayunman, kahit isa sa kanila’y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. At kayo, maging ang buhok ninyo’y bilang niyang lahat. Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.” (Mateo 10:28-31)
Habang naglalayag, inabot sila ng malakas na bagyo kaya’t ang bangkang sinasakyan nila’y hinampas ng malalaking alon at ito’y halos mapuno na ng tubig. Si Jesus ay natutulog noon sa may hulihan ng bangka, nakahilig sa isang unan. Ginising siya ng mga alagad at sinabi, “Guro, bale-wala ba sa inyo kung mapahamak kami?” Bumangon si Jesus at iniutos sa hangin, “Tigil!” at sinabi sa alon, “Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at tumahimik ang lawa. Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Hanggang ngayon ba’y wala pa rin kayong pananampalataya?” (Marcos 4:37-40)
Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, “Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!” Naguluhan si Maria at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pangungusap. Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. (Lucas 1:28-30)
Panginoong Hesus, nakikiusap po kami sa Inyo
nawa’y bigyan po Ninyo kami ng pagkakataong
makabangon sa aming lungkot at pagdurusa
sa panahon ng krisis na dala ng pandemya.
Pagkalooban po Ninyo kami sa darating na halalan,
ng isang pinunong mag-aalaga—hindi ng kanyang sarili—kundi ng mga dukha at nangangailangan;
isang pinunong may takot sa Diyos, at di sasailalim
sa mga pulitikong sakim, magnanakaw, at hipokrito/mapanlinlang.
Iligtas po Ninyo ang aming bayang uhaw sa Iyong pagmamahal at katarungan.
Hiling namin ito sa pamamagitan ng tulong ni Maria, Inyong ina at amin din.
Amen.