Sariwang Pananim

0
451

Ito ang ikapito (7) ng Serye ng Halalan 2022/ Serye ng Eleksiyon 2022 – mga artikulong inilimbag sa White Butterfly bilang paghahanda sa halalan/eleksiyon sa Mayo 2022.

Ang buod na ito ay mula sa Experiencing God, aklat nina Henry T Blackaby at Richard Blackaby.

HENRY T. BLACKABY at RICHARD BLACKABY  

Buod ni TERESITA TANSECO-CRUZ sa Tagalog.

SURIIN:

Sa mga darating na buwan hanggang sa Mayo, 2022, tayo ay hindi basta lamang pipili ng isang kandidato para sa Pangulo ng bansa. Tayo ay pinananawagan na piliin ang Kabutihan- integridad, katapatan , tunay na pag-ibig at pagsisilbi sa Panginoon at sa bayan, sa halip ng Kasamaan- kasinungalingan, katakawan sa kapangyarihan at kayamanan at kawalang-galang sa dignidad at buhay ng mga anak ng Diyos.

Ang “Sunday Reflection” ngayon ay nagpapaalala sa atin na si Hesus ay kayang magdala ng tubig ng buhay sa isang disyerto na baog at mapait.

Magsamasama tayong mga Pilipino sa pagdadasal magmula sa lahat ng bahagi ng ating lipunan, sa lahat ng sulok ng ating mahal na bayan, at kasama ng sukdulang pag-asa at pananampalataya, hingin natin kay Hesus na bigyan ng kababaang-loob ang mga taos-pusong nais magsilbi sa bayan at tipunin sila upang suportahan ang nararapat na Pinuno na kumakatawan ng Kabutihan.

Isaias 53:2:  Kalooban ni Yahweh na matulad sa isang halaman ang kanyang lingkod, parang ugat na natanim sa tuyong lupa. Walang katangian o kagandahang makatawag-pansin, walang taglay na pang-akit para siya ay lapitan.

Ang pagdating ni Hesus ay parang isang sariwang pananim sa kalagitnaan ng lupang tuyot. Sa lupang tuyot, walang masyadong pagasa ang halamang mabuhay. Hindi kakayanin ng halaman ang tumagos sa matigas na ibabaw. Ngunit si Hesus, ayon sa propesiya, ay parang isang sariwang pananim na tatagos sa walang buhay na kapaligiran at magdadala ng buhay.

Nung ipinanganak si Hesus, matigas na ang kalooban ng kaniyang mga tao sa salita ng Panginoon. Apat na daang taon nilang hindi narinig ang boses ng Diyos. Kabisado nila ang banal na kasulatan ngunit wala nang buhay ito para sa kanila. Tumigas na ang kanilang loob sa katotohanan kaya’t nung dumating ang Anak ng Diyos sa kanila, Siya ay pinatay nila. Gayunpaman, sa kabila ng poot ng mga tao, nagdala ng buhay si Hesus sa lahat ng mga naniwala sa Kaniya.

Kaya ni Hesus na magdala ng buhay sa kahit na sinong tao, lipunan o kultura kahit gaano man sila katigas sa ebenghelyo. Matutuklasan ng kahit pinakamakasalanang tao na alam ni Hesus kung papaanong pumasok sa isang puso at magdala ng buhay sa kahit ano mang kapaitan. Sa umpisa, ang gawain ni Hesus ay mukhang marupok, ngunit gaya ng buto ng mustasa, ito ay lalaki din ng malakas.

Kung may ipinagdarasal kang isang tao na may halaga sa iyo, huwag kang panghinaan ng loob kung hindi pa siya tumutugon kay Hesus. Gaya ng isang sariwang pananim na nakakahanap din ng paraan upang mabuhay sa mahirap na kapaligiran , ang pagibig ni Hesus ay may kakayanang mamulaklak ng buo at masagana sa isang buhay na tila hindi tumutugon.

PANALANGIN PARA SA HALALANG PAMPANGULO NG PILIPINAS SA 2022

Panginoong Hesus, nakikiusap po kami sa Inyo
nawa’y bigyan po Ninyo kami ng pagkakataong
makabangon sa aming lungkot at pagdurusa
sa panahon ng krisis na dala ng pandemya.

Pagkalooban po Ninyo kami sa darating na halalan,
ng isang pinunong mag-aalaga—hindi ng kanyang sarili—kundi ng mga dukha at nangangailangan;
isang pinunong may takot sa Diyos, at di sasailalim
sa mga pulitikong sakim, magnanakaw, at hipokrito/mapanlinlang.

Iligtas po Ninyo ang aming bayang uhaw sa Iyong pagmamahal at katarungan.
Hiling namin ito sa pamamagitan ng tulong ni Maria, Inyong ina at amin din.
Amen.